Jeanne d'Arc (Pranses) / Joan of Arc (Ingles) / Juana ng Arko (Filipino/Tagalog)
Si Jeanne d'Arc, ang Dalaga ng Orléans,
ay ipinanganak sa Domrémy noong
mga 1412. Di man nakapag-aral, siya ay isang napakatalinong batang babaeng
pisante mula sa Champagne. Ang panganay na anak na lalaki ng hari ng
Pransya na si Charles ay nakikipagdigma noon sa magkasamang pwersa ng
Inglatera at Burgundy, at mula nang mga edad labing-tatlo si Jeanne ay
nakaranas ng mga panloob na pag-uudyok, ang kanyang “mga boses”,
na inaatasan siyang iligtas ang Pransya sa mga mananalakay nito. Noong 1429
pinayagan siyang makipagharap kay Charles, na kanyang nakumbinsi, matapos
ng mapanuring pag-uusisa ng mga lider ng simbahan, binigyan siya ng
baluting bakal at isang grupo ng mga kawal. Pinamunuan niya ang hukbong
sandatahang Pranses, kung saan sa loob ng sampung araw ay natalo ang mga
Ingles na kumukubkob sa Orléans.
Nasundan pa ito ng pagtatagumpay sa Patay;
sumuko si Troyes; at napahinuhod ni Jeanne na si Charles ay pumayag
koronahan sa Rheims bilang King Charles VII. Kamangha-mangha ang ibinunga
ng moral na pamumuno ni Jeanne; subalit ang mga Pranses ay hindi iginiit
ang kanilang sariling kapakinabangan, kaya noong 1430, pumalaot nang
nag-iisa si Jeanne upang tulungan ang nasakop na bayan ng Compiègne.
Doon siya nahuli ng mga taga-Bugundy, at ipinagbili siya sa mga Ingles.
Pinabayan siya ni King Charles na harapin ang kanyang kapalaran.
Matapos ang siyam na buwan nang malupit na pagkabilanggo, si Jeanne ay nilitis ng isang hukuman ng mga matataas na opisyal ng simbahan sa korte ng Obispo ng Beauvais, si Pierre Cauchon, sa salang pangungulam at maling pananampalataya. (“Cochon”, na ang tunog ay malapit sa “Cauchon”, ay nangangahulugan ng “baboy” sa Pranses.) Sa loob ng labinlimang sesyon ng paglilitis, walang takot at mahinahon niyang hinarap ang mga nagbibintang sa kanya, taglay ang taal na kalistuhan, kailanman ay di niya pinagtaksilan ang kanyang konsensya o kanyang mga “tinig” mula sa langit. Napatunayan siyang nagkasala, at pinagtibay ito ng Unibersidad ng Paris. May maigsing panahon kung saan nakaramdam si Jeanne ng pag-aalingan ukol sa tiyak at kahindik-hindik na kamatayan, subalit matapos iyon muli siyang naging matatag. Inilipat siya sa mga awtoridad na sibilyan at sinunog sa plasa ng Rouen noong ika-30 ng Mayo, 1431. Ni hindi man lamang siya nakatuntong sa edad na dalawampu.
Ano ang sekswalidad ni Jeanne? Ang kapariang naggawad ng hatol sa kanya ay nabalisa sa kanyang paggigiit na gumamit ng kasuotang panlalaki at sa kanyang gupit-lalaki. Paulit-ulit siyang tinanong ukol dito. Niliwanag ni Jeanne sa kanyang mga kasagutan na para sa kanya ito ay batay sa dikta ng konsensya: ayon sa kanyang mga tinig sa puntong ito, dapat ay sa gayong paraan niya iharap ang kanyang sarili. Walang matagpuang patunay na si Jeanne ay hindi panatag sa pagiging isang babae. Sa simula ng kanyang pagdadalaga, itinalaga niya ang sariling mananatiling birhen habang buhay. May mga bagong ulat na nagsasabing higit na nais niya, kung maaari na ang makatabi sa pagtulog ay babae rin sa halip na lalaki, subalit kung hindi maiiwasang matulog sa tabi ng lalaki, igigiit niyang matulog na hindi nagtatanggal ng damit. Noong kanyang kapanahunan, wala pang konsepto ng Lesbianismo bilang uri ng pamumuhay, at kung ang mga babae ay magkahipuan sa isa't isa habang magkatabi sa higaan, hindi ito malaking usapin para sa mga kontemporaryong teologo at mga mananalaysay ng kasaysayan. Sa katunayan, ang pagpili ni Jeanne sa babae bilang katabi sa pagtulog ay siyang binabanggit bilang patunay ng kanyang kalinisan.
Si Saint Jeanne d'Arc/Santa Juana ng Arko ay hinatulan ng isang eklesyastikong tribunal na walang konsenyang pinaglingkuran ang mga layuning politikal ng mga panginoon nitong Ingles. Upang palakasin ang sariling posisyon dalawang ulit na tinangka ni King Charles VII na ipasantabi ang hatol na ito; subalit si Pope Callistus III na bumuo ng isang komisyon na noong 1456 ay naghayag na ang iginawad na hatol ay nakamit sa pamamagitan ng pandaraya at panlilinlang, at lubusang isinaayos ang napinsalang alaala ng biktima nito. Makalipas ang apat at kalahating dantaon, noong 1920, si Jeanne ay itinanghal na isang santa. Ang kanyang araw ng kapistahan ay ikatatlumpu ng Mayo.
Mga Sanggunian sa Internet
Saint Joan of Arc Center, Albuquerque, N.M.
The Creativity of Joan of Arc — Christopher Russell
Marianne
Noong Rebolusyon ng mga Pranses (1789-1792), naging tanyag ang ideyang
katawanin ng isang babae ang Republika, subalit hindi hanggang noong
Ikalawang Imperio, mga 60 taon makalipas, na siya ay pinangalanang Marianne.
“Marianne” ang orihinal na pangalan ng lihim na samahang nakibaka
laban sa rehimen, at naging tanyag matapos na makibahagi sa pag-aalsa ng
mga manggagawa ng tisa sa Trelage, malapit sa Angers. Inilarawan ng mga
maka-republikang mamayang ito si Marianne, isang palasak na pangalang
Pranses, bilang isang maringal na babaeng lider, na nakikihamok sa kanyang
kalaban. Matapos ang pagbagsak ng Ikalawang Republika noong 1852, pinanatili
ng Ikalawang Imperio si Marianne bilang simbolo ng marangal at malakas na
Pransya.